Buwelta ni Renato Reyes sa Kanyang mga Bashers “Hindi Ako Tumanggap ng Bayad para Mag-Rally”

0

May palabang mensahe si Renato Reyes para sa kanyang mga Bashers. Si Renato Reyes ay kilalang-kilala ng mga Filipino dahil sa pagiging aktibesta nito at tinaguriang ‘Rally King’.

Sa kanyang post, pinaliwanag at sinagot nito ang mga binabatong pambabatikos sa kanya. Mula sa pagiging Aktibesta hanggang sa pag inum niya ng coke ng McDonalds.

Basahin ang buong pahayag ni Renato Reyes.


Kamakailan ay may naglabasang iba’t ibang usapin dito sa Facebook kaugnay ng mga naganap na rally sa pagbisita ni Trump? Iginagalang natin ang mga magkaiba at taliwas na pananaw. Sa aming mga kababayan na seryosong nagtatanong at gustong maunawaan ang mga pangyayari, hayaan niyong gamitin namin ang pagkakataon na ito para maglinaw din ng aming panig.

“Bakit pa kailangan mag rally sa ASEAN? May mga bisita tayo.”

Yung bisita na dumating, si US President Donald Trump, ay hindi simpleng “bisita”. May kakaibang panganib siyang dala para sa ating bansa. Nais niyang kaladkarin tayo sa sigalot sa North Korea. Gusto niyang ibalik ang mga US bases sa ating bansa. Para saan? Hindi para sa ating seguridad kundi para patuloy na makapaghari sila sa rehiyon. Pinag-usapan nila ni Duterte ang “free trade” na maaaring makasama sa ating ekonomiya. Higante ang US at mahina ang ating lokal na industriya at agrikultura kaya’t dehado tayo sa “free trade”. Ipapahamak tayo ni Trump. Si Trump din ang nagpapalayas sa maraming mga Pilipino na nakatira sa US dahil sa paghihigpit nila sa imigrasyon. Sa lahat ng ito, marapat na iprotesta si Trump. Maging mga mamamayan ng US, sinusuka si Trump.

“Ayaw sa Kano pero umiinom ng McDo.”

Una po, hindi namin “ayaw sa Kano” batay lamang sa simplistiko at mababaw na kahulugan. Yung tipong susunugin ang lahat ng gawa sa US? Hindi naman ganun. Ang ayaw namin ay ang panghihimasok ng gobyerno ng US. Ang ayaw namin ay yung imperyalistang paghahari. Madami kaming kasama at kaibigan na Amerikano. Nanonood din kami ng pelikula nila minsan. Nakikinig din kami sa musika nila. Ang tinututulan namin ay ang mga patakaran ng gobyerno nila para sa ating bansa.
So yung tungkol sa McDo, medyo non sequitur yun. Para na ring sinabi mo na pag may IPhone ka, di ka na pwede bumatikos sa kay Trump. O pag kumakain ka ng Ma-Ling, di ka na pwede bumatikos sa China. O pag gumamit ka ng cellphone, di ka na pwede bumatikos sa mining. Ang nagi-Ingles at gumagamit ng Facebook ay walang karapatan magreklamo sa US. Etc etc etc. Masyado namang simplistiko at pinabababaw natin ang mga usapin. Ipokrito agad ang banat? Di ba pwedeng nauhaw lang?
Si Canadian Prime Minister Trudeau, bumili nga ng Jollibee pero di naman niya maayos ang toxic wastes ng Canada na dinala sa Pilipinas. Talagang wala sa fastfood yan.

“Kasalanan ng mga nag-rally ang karahasan.”

Hindi lahat ng rally nauuwi sa girian. Pero may mga pagkakataon na gumagamit ang kapulisan ng matinding pasismo. Dito nag-uugat ang conflict. Kapag tatapatan ka ng libo-libong pulis, trak, shields at truncheons at sasabahin sa iyo na “obey or else..”, pasismo yun. Paggamit yun ng kapangyarihan ng estado laban sa mamamayan. “Hanggang dyan ka lang, kung di masasaktan ka.” When confronted with fascism, we have a duty to resist.
Wala sanang problema kung hinayaan lang nila ang martsa hanggang Buendia. Pero sa Padre Faura pa lang nangharang na sila at nais nilang parang maamong tupa na susunod lang ang mga tao. Resistance ang ginawa ng mga nagprotesta. Hindi talaga namin matatanggap na lang ang pasismo. Sa loob ng 2 araw, ilang beses kami binasa ng water cannon, itinulak at nung huli, ginamitan pa ng sonic weapon na nakabibingi. Kahapon, kinsauhan din kami ng pulis ng kung ano-anong kaso na naman.
Mas madali talaga na manahimik na lang. Sino ba naman gusto na nasasaktan? Pero may panahon na kailangang manindigan.

“Mga bayaran! Mga Dilawan!”

Sa 25 years na naging aktibista ako, ni minsan ay hindi ako o kami tumanggap ng bayad para mag-rally. We are full time activists. We do not have salaries, only small allowances that are way below the minimum wage. We carry out our political work voluntarily. May sakrpisyo din. Ang mga may paratang na kami ay bayaran ay malayang magpakita ng pruweba. Kung wala, sinungaling sila.
Sabi nung troll, “puro ka rally, ano pinapakain mo sa pamilya mo?” Tapos sasabihin, “puro ka rally, kumita ka na naman!” Ang labo di ba?
(At sino naman ang magbabayad sa amin para mag-rally laban kay Trump? Yung mga Dilawan? Hindi ba kampi nga sila sa US government?)
Madali lang talaga magparatang at gumawa ng memes sa Facebook. Pero mas mahirap yung magpalalim, magtalakayan at maghanap ng katotohanan. Meron talagang knee-jerk reactions. Yung magagalit agad. Pero kung hanggang memes na lang tayo babatay, paano natin tunay na mauunawaan ang mga bagay?

“Bakit di na lang kayo tumulong sa gobyerno?”

Hindi ba yun ang ginawa nina Judy Taguiwalo at Rafael Mariano? Pero inalis sila sa gabinete dahil binabangga na nila ang interes ng mga malalaking naghahari.
“Bakit di ka na lang tumakbong Presidente?”
Requirement na ba yun para bumatikos ng mali? Tuwing may babatikos ng mali, ang sasabihin ba natin ay “ang talino mo naman, tumakbo ka kayang Presidente?” Nagiging kasalanan at kahiya-hiya tuloy ang maging kritikal. Ang layon ng ganitong pag-iisip ay patahimikin ang lahat ng kritiko at tanggapin na lang ang bulok na kaayusan. “Kung di ka rin tatakbong presidente, manahimik ka na lang!” Ganun.

“Kailangan natin ang US.”

Dapat na nating kwestyunin yung mga umiiral na relasyon natin sa malalaking dayuhang bansa tulad ng US. Ilang dekada na tayong nakasabit sa US pero hindi tayo umuunlad. Napag-iwanan na tayo ng mga kapitbahay natin. Heto rin at papasok naman ang China, pero tila pareho din lang ang mangyayari. Lalamangan din tayo.
Sinuportahan namin ang independent foreign policy declaration ni Duterte noong nakaraang taon pero tila binago na niya ito. Nanatili lang ang dating foreign policy na nakapailalim sa interes ng dayuhan. May nagbago na sa Duterte na nakausap namin noong July 2017 kumpara dun sa nakausap namin nung July 2016.
Pasensya na at napahaba ito. Hindi ako umaasa na hihinto ang mga atake online dahil lamang sa post na ito. Sanay na rin ako. Ang totoo, isang tao lang ako na bahagi ng mas malawak na kilusan. Banatan at siraan man nila ako araw-araw, tuloy lang ang kilusan. It is bigger than just one person. At nakabatay ito sa kongkretong kundisyon at kalagayan ng bansa. Hindi ito tatagal ng halos 50 years kung wala ring mali at tiwali sa ating lipunan. At hangad naming baguhin ang ganitong kalagayan.

Salamat po. Hanggang sa susunod na pagkilos.

P.S. Salamat dun sa isang nakausap ko kanina na kahit galit nung una ay nagsikap umunawa at mahinahong nakipagtalakayan.
P.P.S- Dun sa walang katapusang panlalait sa itusra ko, eh wala na tayo magagawa dun. A wise man once said, “don’t let your looks get in the way of your political involvement.”

SOURCE: Renato Reyes Facebook

Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...
error: Masama yan..!!